Psalms 97

Ang Dios ay Higit sa Lahat ng Pinuno

1Ang Panginoon ay naghahari!
Kaya magalak ang mundo, pati na ang mga isla.
2Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
3May apoy sa unahan niya at sinusunog nito ang mga kaaway niyang nakapalibot sa kanya.
4Ang kanyang mga kidlat ay lumiliwanag sa mundo.
Nakita ito ng mga tao at nanginig sila sa takot.
5Natutunaw na parang kandila ang mga kabundukan sa presensya ng Panginoon, ang Panginoon na naghahari sa buong mundo.
6Ipinapahayag ng langit na matuwid siya
at nakikita ng lahat ng tao ang kanyang kaluwalhatian.
7Mapapahiya ang lahat ng sumasamba sa mga dios-diosan at ang mga nagmamalaki sa mga ito.
Ang lahat ng mga dios ay lumuhod at sambahin ang Dios.
8 Panginoon, narinig ng mga taga-Zion
Zion: o, Jerusalem.
at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong wastong pamamaraan ng pamamahala,
kaya tuwang-tuwa sila.
9Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Dios ay naghahari sa buong mundo.
Higit kayong dakila kaysa sa lahat ng mga dios.
10Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan.
Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
at inililigtas niya sila sa masasama.
11Ang kabutihan ng Dios ay parang araw na sumisinag sa matutuwid
at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.
Pasalamatan siya at purihin ang kanyang pangalan!
Copyright information for TglASD